Sunday, August 21, 2011

Paano tunay na masaktan ni Marlon J. Locsin



Higit sa luha na dinulot ng pait
Mga latay sa katawang kumakapit
Bukod sa oras na di ka makatulog
At di pagkain, kunwari’y ika’y busog

Paglipas ng oras na sya’y iniisip
Ang diwang nahulog at walang mahagip
Di kasama ang damdaming sobrang uhaw
O, ang nangungulilang kamay sa sayaw

Ang tunay na sakit ay di galing sa iba
Nagmula ito sa mundong naabala
Ang pakiramdam ng tunay na nasaktan
Ay mabuhay ng walang kasiguraduhan

Ito ay ang paguho ng mundong iyong binuo
Paguho, masyado pang mabagal ang paguho
Pagkawala, pagkawala ng mundong nakasanayan
Na wala kang magagawa kundi hayaan

Ito ay ang paglingon mo sa taong dapat ay kilala
Ngunit mapapatanong ka ng, sino nga ba talaga sya?
Kahit anong pilit na ibalik at baguhin
Walang magagawa sa bagay na di mo angkin

Anong pakiramdaman ng tunay na nasaktan?
Kasama dito ang pagbangon sa kinasadlakan
Ang pagbuo ng mas magandang mundo
At ang masusing pagpili sa mga tatawaging “Tayo”

Anong pakiramdaman ng tunay na nasaktan?
Ito ang paghahanap sa tunay mong kasiyahan
Paano tunay na masaktan?
Ganito, ganito ang pakiramdam.

No comments:

Post a Comment